Biyernes, Hunyo 22, 2012

“Bahag-haring kay Ganda” ni Joyleen B. Hebron

Habang ako’y nakadungaw sa bintana
Patak ng ulan sa mata’y nakikita
Habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkawala
Aking nakita isang bahag-haring kay ganda

Ang aking ina’y agad kong naalala
Pinagalitan niya ako sa hindi pagsunod sa kanya
Kaya’t sa aking puso’y nabuo ang galit
At sa aking kwarto’y nagkulong kahit anong pilit

Aking sinariwa sa aking isipan
Kanyang sakripisyo mula sa aking kamusmusan
Agad kong naalala noong ako’y bata pa
Ako’y umiiyak kung hindi siya kasama

At ngayo’y ako’y matanda na
May karapatan ba akong gawin ito sa kanya?
Unti-unting dumaloy ang luha sa aking mga mata
Habang linapitan siya at sinabing”Ina, mahal kita”

Nabigla ang aking ina sa aking mga sinambit
Habang siya ay lumuluha at niyakap ako ng mahigpit
Kasabay ng ulan ang aming pagluha
Ngunit sa huli, nabuo ang bahag-haring kay ganda.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento