“Uy! Nagtext sa akin si
Ramon at nanliligaw, ano kaya ang sasabihin ko?” Naririnig niyo rin ba yan sa
pang-araw-araw na usapan ninyo ng mga kaibigan mo? Iyan na nga ang bunga ng isa
sa mga moderno at epektibong produkto ng
teknolohiya. Ang cellphone o “CP” kung baga sa mga taong nahuhumaling dito ay
isa sa mga mahahalagang pangangailan ng tao ngayon. Ito ay nagsisilbing parte
sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang cellphone ay ginagamit upang mas
mapadali ang pakikipagkomunikasyon ng mga tao sa iba’t-ibang sulok ng mundo.
Kung baga para sa mga tao, nakakabit na sa kanilang bituka ang cellphone. Text
dito, text doon, tawag dito, tawag doon. Tila hindi mabubuhay ang tao kung wala
ito. Ngunit, may mga pagkakataon bang
kailangan din natin itong iwasan?
Maraming mga pagkakataon
na ang mga kabataan ay hindi na nagkakaroon ng oras sa pag-aaral dahil sa
pagkahumaling sa pagtetext. Kahit mga walang kabuluhang bagay o mga bagay na
hindi naman kailangang ipaalam ay itinetext sa pamamagitan ng kanilang
tinatawag na “GM” o group message. Dito mo inilalagay lahat ng gusto mong
sabihin at ipadadala sa mga taong gusto mong mabasa ang nais mong iparating.
Kaya kung minsan, ang text ang nagdudulot ng mga away dahil sa mga maaanghang
na salitang nabibitawan sa text. Mga salitang hindi mo man sinasadya ngunit
nakakasakit na pala ng ibang tao.
Sa katunayan ang
Pilipinas ang binansagang “Texting Capital”. Totoo ngang ang Pilipinas ay ang
numero unong nahuhumaling sa cellphone. Kung minsan nga, ang pagliligawan ay
nangyayari lamang dahil sa pagtetext. Kung noon ay hinaharana ng lalake ang
babae upang umakyat ng ligaw, ngayon ay masasabing iba na. Sa isang text lang
ay nagsisimula na ang panliligaw. Una ay magtetext ang lalake at pag sinagot na
ito, doon na sila magkikita. Tunay ngang
ibang-iba na ang mga kabataan noon at ngayon. Sana nga lamang hindi ito
magiging hadlang sa pag-unlad ng ating bansa. Nawa’y hindi ito magiging balakid
sa kaunlaran at kasaganaan ng ating lipunan.
Tunay ngang uhaw ang
mga Pilipino sa komunikasyong ito. Ngunit kailangan din nating isipin na dapat
nating ibalanse ang ating paggamit ng cellphone upang hindi ito maging sagabal
sa ating pag-unlad. Huwag nating gawing instrumento ang imbensyong ito sa ating
mga kabalastugan. Nawa’y gamitin natin ito sa pagpapaunlad sa ating sarili at
sa mga taong nasa paligid natin. Hindi masama ang paggamit ng cellphone ngunit
ito ay dumedepende sa kung paano natin ito gagamitin. Gamitin natin ito upang
mapalaganap ang kabutihan sa buong bansa at hindi ng pagpapalaganap ng mga
masamang mensaheng makakaapekto sa ating pang-araw-araw ng gawain. Ito ay
ginawa upang makatulong at hindi makasagabal. Atin natin itong pangalagaan
upang tayo sa ating sarili ay maging produktibong mamamayan ng ating bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento