Biyernes, Hunyo 22, 2012

Cellphone: Kailangan din bang iwasan? ni Joyleen Hebron

“Uy! Nagtext sa akin si Ramon at nanliligaw, ano kaya ang sasabihin ko?” Naririnig niyo rin ba yan sa pang-araw-araw na usapan ninyo ng mga kaibigan mo? Iyan na nga ang bunga ng isa sa mga  moderno at epektibong produkto ng teknolohiya. Ang cellphone o “CP” kung baga sa mga taong nahuhumaling dito ay isa sa mga mahahalagang pangangailan ng tao ngayon. Ito ay nagsisilbing parte sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang cellphone ay ginagamit upang mas mapadali ang pakikipagkomunikasyon ng mga tao sa iba’t-ibang sulok ng mundo. Kung baga para sa mga tao, nakakabit na sa kanilang bituka ang cellphone. Text dito, text doon, tawag dito, tawag doon. Tila hindi mabubuhay ang tao kung wala ito.  Ngunit, may mga pagkakataon bang kailangan din natin itong iwasan?
Maraming mga pagkakataon na ang mga kabataan ay hindi na nagkakaroon ng oras sa pag-aaral dahil sa pagkahumaling sa pagtetext. Kahit mga walang kabuluhang bagay o mga bagay na hindi naman kailangang ipaalam ay itinetext sa pamamagitan ng kanilang tinatawag na “GM” o group message. Dito mo inilalagay lahat ng gusto mong sabihin at ipadadala sa mga taong gusto mong mabasa ang nais mong iparating. Kaya kung minsan, ang text ang nagdudulot ng mga away dahil sa mga maaanghang na salitang nabibitawan sa text. Mga salitang hindi mo man sinasadya ngunit nakakasakit na pala ng ibang tao.
Sa katunayan ang Pilipinas ang binansagang “Texting Capital”. Totoo ngang ang Pilipinas ay ang numero unong nahuhumaling sa cellphone. Kung minsan nga, ang pagliligawan ay nangyayari lamang dahil sa pagtetext. Kung noon ay hinaharana ng lalake ang babae upang umakyat ng ligaw, ngayon ay masasabing iba na. Sa isang text lang ay nagsisimula na ang panliligaw. Una ay magtetext ang lalake at pag sinagot na ito, doon na sila magkikita.  Tunay ngang ibang-iba na ang mga kabataan noon at ngayon. Sana nga lamang hindi ito magiging hadlang sa pag-unlad ng ating bansa. Nawa’y hindi ito magiging balakid sa kaunlaran at kasaganaan ng ating lipunan.
Tunay ngang uhaw ang mga Pilipino sa komunikasyong ito. Ngunit kailangan din nating isipin na dapat nating ibalanse ang ating paggamit ng cellphone upang hindi ito maging sagabal sa ating pag-unlad. Huwag nating gawing instrumento ang imbensyong ito sa ating mga kabalastugan. Nawa’y gamitin natin ito sa pagpapaunlad sa ating sarili at sa mga taong nasa paligid natin. Hindi masama ang paggamit ng cellphone ngunit ito ay dumedepende sa kung paano natin ito gagamitin. Gamitin natin ito upang mapalaganap ang kabutihan sa buong bansa at hindi ng pagpapalaganap ng mga masamang mensaheng makakaapekto sa ating pang-araw-araw ng gawain. Ito ay ginawa upang makatulong at hindi makasagabal. Atin natin itong pangalagaan upang tayo sa ating sarili ay maging produktibong mamamayan ng ating bansa.

Ang Aking Paglalakbay: “Bahag-haring kay Ganda” ni Joyleen B. Hebron

Ang Aking Paglalakbay: “Bahag-haring kay Ganda” ni Joyleen B. Hebron: Habang ako’y nakadungaw sa bintana Patak ng ulan sa mata’y nakikita Habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkawala Aking nakita isa...

Ang Aking Paglalakbay: “Paglipas ng Panahon” ni Joyleen B. Hebron

Ang Aking Paglalakbay: “Paglipas ng Panahon” ni Joyleen B. Hebron:  Sa aking unang pagtapak sa paaralang ito Agad kong naitanong “Kaya ko ba ito?” Hindi ko mawaring noo’y ako’y nasa unang baitang p...

“Paglipas ng Panahon” ni Joyleen B. Hebron



 Sa aking unang pagtapak sa paaralang ito
Agad kong naitanong “Kaya ko ba ito?”
Hindi ko mawaring noo’y ako’y nasa unang baitang pa lamang
At ngayo’y ako’y nandito na at masayang nag-aabang

Tunay na kaibiga’y agad kong natagpuan
Ngunit isang kahilingan ang laging nasa isipan
Sana kahit anong mangyari’y ako’y hindi nila bibitawan
Sa lahat ng pagsubok na aming madaanan

Habang tumatagal ay aking nakikita
Mga pagbabago sa aming pagsasama
Mga ugaling hindi kayang itago
Lumalabas at ngayo’y nakakasakit ng husto

Ayoko mang aminin ngunit tama ang kanilang sinabi
Na habang tayo’y nabubuhay pagbabago’y kapiling lagi
At dahil dito’y unti-unting naiintindihan
Na sa paglipas ng panahon, kaakibat nito ay bagong kapalaran

“Bahag-haring kay Ganda” ni Joyleen B. Hebron

Habang ako’y nakadungaw sa bintana
Patak ng ulan sa mata’y nakikita
Habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkawala
Aking nakita isang bahag-haring kay ganda

Ang aking ina’y agad kong naalala
Pinagalitan niya ako sa hindi pagsunod sa kanya
Kaya’t sa aking puso’y nabuo ang galit
At sa aking kwarto’y nagkulong kahit anong pilit

Aking sinariwa sa aking isipan
Kanyang sakripisyo mula sa aking kamusmusan
Agad kong naalala noong ako’y bata pa
Ako’y umiiyak kung hindi siya kasama

At ngayo’y ako’y matanda na
May karapatan ba akong gawin ito sa kanya?
Unti-unting dumaloy ang luha sa aking mga mata
Habang linapitan siya at sinabing”Ina, mahal kita”

Nabigla ang aking ina sa aking mga sinambit
Habang siya ay lumuluha at niyakap ako ng mahigpit
Kasabay ng ulan ang aming pagluha
Ngunit sa huli, nabuo ang bahag-haring kay ganda.